-- Advertisements --

Muling nagpaalala ang pamunuan ng Minor Basilica at National Shrine of Jesus Nazareno sa mga deboto ng Nazareno na sila ay maghihigpit sa pagpasok ng mga ito sa darating na kapistahan sa Enero 9, 2025.

Kung saan binigyang diin ni Fr. Robert Arellano, tagapagsalita ng Nazareno 2025, aniya mahalaga ang hindi pagdadala ng gamit kagaya ng mga bag, upang mapabilis ang pagpasok at matiyak ang kaauyasan ng mga deboto.

Ayon pa kay Fr. Arellano ipapatupad nila ang masusing pag-iinspeksyon ng mga gamit at sinabi na kung hindi naman kailangan magdala ng mga malalaking gamit kagaya ng bag ay maaaring huwag na itong dalhin para mapabilis ang pagpasok ng mga ito sa simbahan.

Naglabas naman ang mga awtoridad ng mga paalala hinggil sa mga protocol sa seguridad para sa pagdiriwang ng Feast of Jesus Nazareno 2025, na nakatuon sa mga hakbang para sa kaligtasan ng mga dadalo.

Pinapayuhan din ang mga deboto ukol sa mga patakaran upang mapanatili ang kaayusan sa panahon ng prusisyon. Kabilang dito ang hindi pagharang sa mga ruta ng prusisyon, ang hindi pagdadala ng malalaking replika ni Jesus Nazareno, at ang iwasan ang pag-akyat sa pedestal kung saan ipinapakita ang banal na rebulto.

Hinimok din ng mga awtoridad ang mga deboto na maging handa sa posibilidad ng masamang panahon, kaya’t pinayuhan silang magdala ng magagaan na raincoat at tiyaking manatiling hydrated sa buong mag-hapon.

Hinihikayat din ng pamunuan ng Minor Basilica at National Shrine of Jesus Nazareno ang mga dadalo na maghanda ng maaga, kumain bago dumalo sa kapistahan, magsuot ng komportableng kasuotan, at dumating na may taimtim na mga panalangin upang maitaguyod ang isang maayos na kapistahan.