Inalis ang mga simbolo ng Santo Papa mula sa Minor Basilica at Parish of St. Martin of Tours sa Taal, Batangas kasabay ng idinaos na misa ngayong araw Abril 23 kasunod ng pagpanaw ni Pope Francis noong Lunes, Abril 21.
Ito ay bahagi ng tinatawag na interregnum o ang panahon sa pagitan ng pagkamatay ng isang Santo Papa at ang paghalal ng kaniyang successor.
Pinangunahan naman ng rektor at kura paroko na si Rev. Fr. Bernard Aguila ang naturang hakbang.
Sa isang statement, mula sa Archdiocese ng Lipa, binanggit nito na kabilang sa tinanggal ay ang umbraculum o kilala rin bilang ombrellone o conopaeum at ang tintinabulum na isang kampana sa isang poste. Ang mga ito ay simbolong nagpapakita ng espesyal na ugnayan ng simbahan sa Santo Papa na tinatanggal pagkatapos ng pagkamatay ng lider ng Simbahang Katolika.
Una rito, ipinag-utos ng Archdiocese of Lipa, sa isang memorandum nitong Martes, ang pagtanggal ng tintinnabulum o ang bell na tanda ng estado ng Basilica at ang ombrelino o ang pula at dilaw na canopy na hawig ng payong mula sa dalawang Minor Basilicas sa Archdiocese.