CAGAYAN DE ORO CITY – Pangungunahan ni Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPPAP) Secretary Carlito Galvez ang paggunita ng ikalawang taon na pag-ahon ng Maranao-Muslims mula sa pagkalugmok epekto nang terror attack ng Maute-ISIS sa Marawi City.
Ito ay kaugnay sa isang linggo na pag-obserba ng Marawi Week of Peace kung saan maraming mga aktibidad na nakasentro sa serbisyo publiko sa internally displaced persons (IDPs) ang isasagawa tungo sa paggunita ng 2nd year commemoration ng limang buwan na pagtugis ng militar sa mga terorista.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Task Force Bangon Marawi chairman Secretary Eduardo del Rosario na simpleng pag-aalay ng panalangin ang magaganap sa mismong city hall grounds para sa mga residente at state forces na nagbuwis ng buhay upang magapi ang mga terorista noong Mayo hanggang Oktubre 2017.
Sinabi ni Del Rosario na pupuntahan din nila ang most affected area o ang tinaguriang ground zero kasama ang ilang foreign media para maipakita sa international community kung ano at nasaan na ang gobyerno sa ginagawang rehabilitation at reconstruction program para sa Marawi City.
Samantala, hinamon naman ni dating senatorial candidate Samira Gutoc ang bagong mga halal na mga mambabatas na huwag kalimutan ang hinaing ng mga taga-Marawi.
Sinabi nito sa Bombo Radyo na bagamat hindi pinalad nang sumabak siya sa 2019 midterm elections subalit tuloy-tuloy ang kanyang adbokasiya para sa kapakanan ng internally displaced persons ng Marawi City.
Magugunitang ang grupo ni Gutoc kasama ang ibang Maranao royal families ang nasa likod ng malawakang rescue operations sa na-trap na mga Kristiyano sa kasagsagan ng giyera upang hindi mapatay ng mga terorista.