Ginugunita ngayong araw December 21, 2016 ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang ika-81st na anibersaryo, kung saan si Pangulong Rodrigo Duterte ang siyang panauhing pandangal.
Isang simpleng programa ang inihanda ng pamunuan ng AFP.
Ayon kay AFP spokesperson BGen. Restituto Padilla na hindi masasaksihan sa programa ngayong hapon ang tradisyunal na “flyby” ng mga air assets ng Philippine Air Force (PAF).
Sinabi ni Padilla na nais nila na makabawas sa gastusin kung kaya’t hindi na magpapakitang gilas ang mga air assets ng PAF.
Bukod sa malaking gastos, iniiwasan din nila na makadagdag sa air traffic sa Maynila.
Aniya, kung sa Clark, Pampanga gaganapin ay pwede magsagawa ng “flyby” at mas madali ang kanilang preparasyon.
Samantala, ayon kay AFP Public Affairs Office (PAO) chief Col. Edgard Arevalo, ang okasyon ngayong araw ay may temang “conquering challenges, harnessing change.”
Bahagi ng selebrasyon ang pagbibigay parangal sa mga natatanging sundalo na nagkaroon ng pangunahing ambag para sa paglaban sa terorismo at kampanya ng AFP para sa kapayapaan.