KORONADAL CITY – Magiging simple lamang ang isasagawang mga aktibidad ng mga pamilya ng mga biktima ng madugong Ampatuan massacre sa araw ng Lunes, Nobyembre 23.
Kasabay ito sa ika-11 anibersaryo ng malagim na masaker kung saan 58 katao ang nasawi kabilang na ang 32 na mga mamamahayag noong taong 2009.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Jhan Chienne Maravilla, anak ng isa sa mga biktima ng masaker na si Bombo Bart Maravilla, magsasagawa sila ng candle-lighting ceremony sa lungsod ng Heneral Santos, habang pinag-uusapan pa ang posibleng pagpunta sa massacre site sa Sitio Masalay, Barangay Salman, Ampatuan, Maguindanao.
Inamin rin nito na hanggang sa ngayon ay nananatili pa rin ang takot at pangamba dahil sa mga suspek na nananatiling at large at mga na-acquit, dahil maging ang mga testigo sa masaker ay kanila umanong pinapatay.
Sa huli, umaasa silang makakamit na ang 100% hustisya at tuluyang nang maghilom ang sugat mula sa madilim na kasaysayan noon.