GENERAL SANTOS CITY – Inaalam pa ng General Santos City Fire Office ang sanhi ng pagkasunog sa isang warehouse ng mga paninda sa Gonzales Subdivision Barangay Bula, General Santos City, Biyernes ng gabi, kasabay ng pagsisimula ng fire prevention month nitong buwan.
Sa panayam ng Bombo Radyo GenSan, inihayag ni Engr. Manny Yaphuckon, isang negosyante sa lungsod, sumiklab ang sunog pasado alas-7 ng gabi at mabilis na kumalat ang apoy.
Aniya, naabutan na lamang nila ang malakas na pagliyab ng apoy sa isang warehouse na pagmamay-ari umano ng isang Henry Cua, na isa ring negosyante.
Nadamay din sa sunog ang bahay ng may-ari ng warehouse.
Hindi na kumalat ang apoy dahil sa firewall at naapula ito matapos ang 2 oras.
Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente at hindi rin nadamay ang dalawang magagarang sasakyan.
Batay sa paunang ulat, mahigit P2 milyon ang halaga ng natupok na ari-arian, pero madadagdagan pa ito dahil sa mga nasunog na paninda, gaya ng plasticware at appliances.