Isinusulong ngayon ni Senate economic affairs committee chairman Sen. Sherwin Gatchalian ang maagang financial literacy programs para wala nang mabiktima ng mga investment scam.
Reaksyon ito ni Gatchalian dahil sa dami ng nabiktima ng KAPA investment scam at iba pang kahalintulad nitong iligal na gawain.
Ayon sa senador, mainam na masimulan ang pagtuturo sa mga bata para mulat na sila sa pagnenegosyo at paglalaan ng kanilang pera sa mga makabuluhang bagay.
“Pwede nating umpisahang pag-usapan ito sa senior high school dahil karamihan sa mga high school especially sa ating system magta-trabaho na iyan,†wika ni Gatchalian.
Ikinalungkot naman ng mambabatas ang nangyari sa mga miyembro ng KAPA na naengganyo sa malaking return of investment o tinatawag nilang blessing na aabot sa 30 percent daw mula sa inilagak na pera.
Napaghalo aniya ang relihiyon at kasinungalingan kaya lumobo ang bilang ng umanib sa grupo.
“Kung hahaluan mo ng religion at hahaluan mo ng pagsisinungaling, talagang ang mga tao maeenganyong maglagay ng pera doon,†dagdag pa ni Gatchalian.