Magsasagawa ngayong araw, Disyembre 31, ang Canlaon City government ng simulation exercise ng Oplan Exit Operations During Uncertainties Strategy o “Oplan EXODUS” bilang paghahanda sa ‘worst case scenario’ ng bulkang Kanlaon.
Isasagawa ito sa 10 evacuation camp ng naturang lungsod dakong ala-una ngayong hapon.
Layunin pa nitong bumuo ng isang sistematikong diskarte para sa transportasyon ng mga residenteng apektado ng pagsabog ng bulkang Kanlaon sa mga itinalagang evacuation center sa bayan ng Vallehermoso.
Ang naturang lugar na isang kalapit na bayan ng Canlaon City ay para masiguro ang pansamantalang tirahan at ang pagkakaloob ng mga serbisyo para sa mga pamilya sa panahon ng isang explosive eruption.
Kahapon, Disyembre 30, nang pinangunahan ni Canlaon City Mayor Jose Chubasco Cardenas ang orientation hinggil dito.
Dinaluhan naman ito ng camp managers at coordinator ng mga evacuation center, mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan ng Vallehermoso, at mga tauhan mula sa Department of Social Welfare and Development-7.
Nauna nang binigyang-diin ni Cardenas na prayoridad ang kaligtasan ng bawat isa kasabay ng panawagan sa mga apektadong residente na manatiling kalmado at sumunod sa mga tagubilin ng mga otoridad.