CAUAYAN CITY – Handang-handa na ang office of the civil defense o OCD region 2 sa isasagawang simultaneous earthquake drill sa June 20, 2019.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ronald Villa, pinuno ng operations section ng office of the civil defense region 2, sinabi niya na nagsagawa na sila ng iba’t ibang mga pagpupulong dito sa lungsod sa tulong na rin ng Cauayan City Disaster Risk Reduction Management Council kasama ang iba’t ibang ahensya na bumubuo dito.
Aniya, ang isasagawa nilang earthquake drill ay para alamin ang kahandaan ng mga Local Government Unit, mga paaralan, at iba pang establisyemento kapag may lindol.
Ang kanilang pilot venue ay ang malaking mall dito sa Cauayan City.
Ayon pa kay Ginoong Villa na sa unang bahagi ng drill ay para sa kahandaan ng mga establisyemento at ang pangalawang bahagi ay ang coordination mechanism ng mga establisyemento at mga government responders na makikita kapag dumating na ang mga tinawagan nilang magbibigay ng tulong.
Idinagdag pa ni G. Villa, puspusan ang kanilang awareness campaign sa mga paaralan at dahil sa pagdami ng mga matataas na gusali ay maging prayuridad pa rin ang kaligtasan ng mga mag-aaral.
Dapat aniyang seryosohin ng mga mag-aaral ang mga isinasagawang earthquake drill para kung magkaroon ng totoong lindol ay hindi sila magpanik dahil mayroon na silang kaalaman kung ano ang dapat gagawin sa naturang sitwasyon.