Hindi na dadaan pa sa bicameral conference committee ang Sin Tax Bill makaraang makalusot na rin sa Kamara ang panukalang batas na ito.
Ito ay matapos na i-adopt ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang bersyon ng Senado sa panukalang batas na naglalayong taasan ang buwis ng sigarilyo.
Kaya naman agad na itong isusumite sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte upang sa gayon ay kanya na itong malagdaan at para maging ganap na batas.
Una rito, nirekonsidera ng Senado nitong hapon lang ang naunang inaprubahang bersyon ng panukala para makapagsingit ng amiyenda.
Ito ay matapos na tutulan ng ilang kongresista mula sa mga tobacco producing provinces ang paghati-hati ng halagang malilikom sa kokolektahing buwis.
Sa ilalim ng Republic Act 7171, 90% ng 15% sa share ng proceeds ay napupunta sa mga bayan at munisipalidad, at 10% naman sa mga probinsya.
Pero sa napagkasunduang bersyon ng Kongreso, 70% mula sa 50% ng makokolektang buwis sa tobacco ang mapupunta sa mga bayan at lungsod kung saan nakatanim ang kinuhang mga tobacco produce, habang ang nalalabing 30% naman ay magiging kabahagi ng lalawigan.
Ang natitirang 50% naman ang siyang kukuhanan ng pondo sa Unversal Health Care.
Nakasaad sa ilalim ng Sin Tax Bill ang P45 na pagtaas ng buwis sa bawat pakete ng sigarilyo pagsapit ng Enero 1, 2020.
Tataasan pa ito ng P5 kada taon hanggang 2023 at simula 2024 ay itataas naman ito ng limang porsiyento kada taon.