-- Advertisements --
sibuyas

Nanawagan ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa gobyerno na mag-import ng mga puting sibuyas sa Hulyo upang maiwasan ang posibleng kakulangan, at pagtaas ng presyo nito.

Sinabi ni SINAG chairperson Rosendo So na kung isasaalang-alang ang kamakailang pag-aani ng sibuyas, hindi na dapat hintayin ng Department of Agriculture (DA) ang projections bago mag-angkat ng sibuyas.

Aniya, tapos nang mag-ani ng sibuyas ang mga magsasaka mula sa Pangasinan at Nueva Ecija, at iilan na lamang ang natitira mula sa Mindoro na hindi pa umaani. Karamihan sa mga stock ay inilagay na sa mga cold storage facility.

“Sa tingin namin, mga July dapat pumasok na ‘yung puting sibuyas para hindi naman maulit ito. Dapat preparado tayo… Kasi ang puting sibuyas, mga three months lang ang cold storage eh. So by June, dapat naka-prepare na tayo na may pumasok by July,” ani So.