-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Nanawagan ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa mga overseas Filipino workers (OFW) na iwasang magpadala ng mga canned goods kung galing ito sa bansang apektado ng African Swine Fever (ASF).

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay SINAG Chairman Rosendo So, sinabi nito na pera na lamang sa halip na canned goods ang dapat sana ipadala muna ng mga OFW sa kanilang mga kaanak dito sa Pilipinas upang maiwasan na rin na makapasok sa bansa ang nasabing virus.

Pwede naman aniyang sa local industry na lang bumili ng canned goods at pork products.

Giit ni So, kahit 300 araw nang frozen ang isang karne o canned goods na apektado ng African Swine Fever, mabubuhay pa rin ang virus sa oras na ipagbili ito.

Mababatid na itinigil na ng Food and Drug Administration (FDA) ang pagbibigay ng Certification of Product Registration (CPR) sa mga pork processed products na galing sa mga bansang apektado ng African Swine Fever.

Ilan sa mga produktong ipinagbabawal munang bilhin ng publiko ay meatloaf, sausage, ham, at iba pang katulad na produkto mula sa mga bansang umiiral ang ASF.

Una nang nagpatupad ng pork ban ang Department of Agriculture sa mga bansang sumusunod: China, Hungary, Latvia, Poland, Romania, Russia, Ukraine, Vietnam, Zambia, South Africa, Czech Republic, Bulgaria, Cambodia, Mongolia, Moldova at Belgium.