Plano ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na dumulog sa Korte Suprema upang hadlangan ang implementasyon ng Executive Order 62 na unang pinirmahan ni PBBM.
Ang EO 62 ay ang pormal na pagtatapyas sa sinisingil na taripa sa imported na bigas mula sa dating 35% patungo sa 15% hanggang 2028.
Ayon kay SINAG legal counsel Virgie Suarez, prayoridad ng grupo ngayon na makapaghain ng temporary restraining order (TRO) sa SC upang pigilan ang implementasyon nito.
Batay sa timeline, planong ihain ang TRO bago ang effectivity ng EO sa July 6, 2024, o 15 days matapos itong pinirmahan.
Posible, ayon kay Suarez, na maihain na ito sa July 4 o July 5.
Maliban sa TRO, pinag-aaralan din umano ng grupo na maghain ng kasong graft laban kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan at iba pang opisyal ng Tariff Commission, dahil umano sa biglaang sa tariff reduction nang walang isinasagawang public consultation.
Nauna nang ibinabala ng grupo ang posibilidad ng pagbaha ng mga inangkat na bigas sa Pilipinas dahil sa mas mababang taripa. Batay sa pagtaya nito, hanggang 28% ng rice supply ay mangagaling sa ibang bansa habang posibleng aabot umano sa 500,000 na mga magsasaka ang madi-displace bilang inisyal na epekto nito.