VIGAN CITY – Naniniwala ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na maipapanalo ng bansa ang laban kontra sa African Swine Fever (ASF) sa gitna ng COVID- 19 pandemic at sa banta ng bagong strain ng virus na maaaring makapaminsala sa mga alagang hayop sa bansa.
Ito ay sa pamamagitan umano ng pagtutulungan ng bawat isa at pagsunod sa mga ipinapatupad na biosecurity standards at iba pang panuntunin sa pag-aalaga ng baboy at pag-iwas sa mga virus.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay SINAG Chairman Engr. Rosendo So, ibinalita nito na sa buong Luzon ay tanging ang Ilocos Sur at Ilocos Norte na lamang ang mga lalawigang nananatiling ASF- free sapagkat mayroon ng naitalang kaso ng ASF sa Sudipen, La Union.
Kaugnay nito, hiniling ni So sa mga local government officials sa mga nasabing lalawigan na paigtingin ang pagbabantay sa mga animal quarantine checkpoints upang matiyak na hindi makakalusot ang mga produktong maaaring makapagdulot ng virus sa mga alagang baboy.
Sa mga susunod na araw umano ay maglalabas ang SINAG ng opisyal na listahan kung magkano ang kabuuang danyos o pinsala ng ASF sa buong bansa.