Gagamitin bilang eskwelahan at government buildings ang mga pasilidad ng sinalakay na POGO hubs sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga sa oras na maturn-over na ito sa pamahalaan.
Ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) executive director USec. Gilbert Cruz, nakikipag-tulungan na sila sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Inter-Agency Task force para mapag-aralan ang mga opsiyon para ma-convert ang naturang POGO hubs bilang mga eskwelahan at gusali ng gobyerno.
Sa kasalukuyan, sumasailalim pa sa civil and criminal forfeiture cases ang naturang mga POGO hub.
Inihalimbawa pa ng opisyal ang isa pang sinalakay na POGO hub sa Pasay city na napapakinabangan na ngayon bilang kulungan at rescue center ng DSWD.