Hinimok ni PNP chief Gen. Debold Sinas ang publiko na mag-move-on na sa isyung mañanita at ipaubaya na sa korte ang nasabing kaso.
Ayon kay Sinas, nasa prosecutor’soOffice na ang usapin at kaniya na itong ipinauubaya kung ano ang magiging hatol dito.
Ayon kay Sinas, mas marami na siyang trabaho ngayon na dapat pagtuunan ng pansin kaya wala siyang panahon sa mga patuloy na bumabatikos sa kaniya.
Binigyang-diin ng PNP chief, bahagi talaga sa trabaho ang may bumabatikos kaya hindi ito maiiwasan.
“Sa ngayon, dapat tuldukan na natin ‘yang mañanita, naimbestigahan na ‘yan at nasa prosecutors na yan,” wika ni Sinas.
Siniguro ni Sinas na hindi makakaapekto sa kaniyang trabaho ang mga kritisismo laban sa kaniya.
Wala rin daw siyang panahon para sagutin ang mga batikos laban sa kaniya.
Magugunitang sinampahan ng kasong criminal ng PNP Internal Affairs Service si Sinas at 18 pang police officers dahil sa paglabag sa RA 11332.
Una nang sinabi ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Ano na ang kaso ni Sinas kaugnay sa nangyaring mañanita ay walang implikasyon sa kaniyang appointment bilang PNP chief.
Ito ay dahil si Pangulong Duterte ang may absolute discretion sa pagpili ng mamumuno sa PNP.