-- Advertisements --

Binigyang-diin ni bagong PNP Chief Major Gen. Debold Sinas na karapat-dapat siya sa kanyang pwesto sa gitna ng kaliwa’t kanang kritisismo sa kanyang pagkakatalaga bilang pinuno ng PNP.

Sinabi ni Gen. Sinas, marami na siyang napagdaanang posisyon bago marating ang pinakamataas na pwesto sa PNP.

Ayon kay Sinas, kabilang dito ang pagiging hepe ng Central Visayas Police Office, naging Deputy Regional Director for Administration din siya sa Police Regional Office 12, nagsilbing Secretary to the Directorial Staff sa Kampo Crame, direktor ng PNP Crime Laboratory at naging Police Chief Superintendent noong 2017.

Inihayag ni Sinas na kahit hindi kumpyansa ang karamihan sa kanyang liderato ay wala na siyang magagawa kaugnay dito dahil mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang pumili sa kanya.

Kasabay nito, sinagot din ni Sinas ang mga alingasngas kaugnay sa isyu ng seniority kung saan nilagtawan nito si Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Guillermo Eleazar.

Sabay daw silang kinausap ni Pangulong Duterte at hindi niya inakalang siya ang itatalaga o pipiliing bagong PNP chief kapalit ng nagretirong si Gen. Camilo Cascolan.