-- Advertisements --

Tinawag na “tsismis” ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor ang alegasyon na mayroong nakatagong pork barrel sa ilalim ng P4.1-trillion proposed 2020 national budget.

Wala aniyang lugar sa trabaho ng lehislatura ang tsismis at hindi rin maaring gawing basehan sa pagtalakay ng isang mahalagang batas.

Kasabay nito ay umaapela si Defensor sa mga senador na maingat na busisiin ang inaprubahang General Appropriations Bill (GAB) ng Kamara noong nakaraang linggo bago naman aniya husgahan ang pinagtrabahuhan ng mga kongresista.

“Hindi po tama na makialam ang sinomang kasapi ng Senado sa trabaho ng mga kongresista habang dinidinig pa namin ang panukalang batas. Ano ang basehan ng mga komento sa GAB kung hindi pa nila nababasa ang nilalaman nito?” ani Defensor.

Nagdoble kayod aniya ang Kamara sa pagsuri sa GAB upang sa gayon ay mabigyan ng sapat na panahon naman ang Senado na masilip ito ng husto.

Sakali naman na mayroong pagtutol ang mga senador sa mga probisyon na nilalaman ng GAB, sinabi ni Defensor na maari itong maresolba sa pag-convene ng bicameral conference committee.

Hindi lamang aniya ito tradisyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso, kundi constitutionak duty na magkasundo at plantsahin ang isang panukalang batas sa bicameral conference level.

Sa ngayon, sinabi ng kongresista na mas mabuti kung itigil na muna ang word war sa pagitan ng Senado at Kamara.