Naaresto ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang sindikatong nanikil sa mga taxpayer ng milyun-milyong halaga kapalit ng pagtulong na maayos ang kanilang problema sa pagbubuwis.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui, kinumbinsi umano ang biktima ng hinuling sindikato ng fixers na nagpakilalang may koneksiyon sa mga matataas na opisyal ng BIR na mag-aayos ng kanilang problema sa buwis.
Nanikil din umano ang sindikato ng P3.6 million mula sa mga biktima sa pamamagitan ng pagpeke ng mga lagda ng iba’t ibang opisyal ng BIR kabilang na ang pirma ng BIR commissioner, deputy commissioners for operations and legal groups, assistant commissioner ng Large Taxpayer Service, at revenue district officer.
Kaugnay nito, sinabi ni Comm. Lumagui na ang pagkakaaresto ng sindikato ng mga fixer ay nagsisilbing paalala sa lahat ng taxpayers na iwasang makipag-deal sa nasabing mga grupo at laging iberipika ang authority ng anumang indibidwal sa pagbabayad ng mga obligasyong buwis.
Hinikayat din ng BIR ang publiko na ireport sa ahensiya ang mga indibidwal o grupo na nasa likod ng nasabing mga iligal na gawain para maaresto ang mga ito.