Hinikayat ni Sen. Alan Peter Cayetano ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) na imbestigahan ang posibleng sindikato na nasa likod ng iligal na realignment ng bilyun-bilyong pisong pondo sa 2023 proposed budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sinabi ni Cayetano na bilang dating House speaker, may iba’t ibang sources na nakapagsabi kaugnay sa grupong komokontrol sa alokasyon ng mga proyekto sa iba’t ibang congressional districts.
Ayon kay Cayetano, dati ang “parking of funds” ay karaniwang ginagawa sa bicameral level at maliliit na pondo lamang pero ngayon ay naging bilyon na ang pinag-uusapan.
Inihayag ni Cayetano na batay sa sumbong sa kanya, binabawasan daw ang budget ng mga distrito tapos kakausapin ang congressman doon na pwedeng ibalik ang tinapyas na pondo pero sila ang pipili ng proyekto at contractor nila ang gagawa nito.
Kaugnay nito, nanawagan si Cayetano kay Finance Sec. Benjamin Diokno bilang head ng DBCC na imbestigahan ang alegasyong may sindikato sa illegal parking ng pondo.