(Update) TACLOBAN CITY – Aabot sa halos 28 mga stalls kasama na ang dalawang sinehan at department store ang nilamon ng apoy matapos masunog ang Robinsons Mall na nasa Barangay Marasbaras sa siyudad ng Tacloban.
Nagsimula ang sunog dakong alas-5:46 kahapon ng hapon na tumagal ng halos anim na oras at dineklarang fire under control kaninang ala-1:00 ng madaling araw.
Ayon kay Senior Superintendent Renato Marcial, regional director ng Bureau of Fire Protection (BFP) Region 8 umabot sa task force alpha ang sunog kung saan mahigit sa 30 mga fire trucks na ang iba ay nanggaling pa sa mga kalapit na munisipyo at mga fire volunteers ang nagtulong-tulong para maapula ang sunog
Sinasabing nahirapang magresponde ang mga bombero dahil sa makapal at maitim na usok na bumalot sa mall at halos zero visibility din ang loob nito.
Kinailangan pa na magsuot ng mga bumbero ng breathing apparatus at basagin ang salamin ng mga bintana para makapasok at maumpisan ang pagbuhos ng tubig.
Wala naman naiulat na namatay at nasugatan.
Sa ngayon inaalam pa ng BFP kung ano ang dahilan ng sunog pero may mga lumabas na report na may kinalaman daw sa short circuit ang pinag-ugatan nito.
Napag-alaman din na nagsimula ang sunog sa kusina ng isang restaurant sa first floor ng nasabing mall.
Patuloy namang iniimbestigahan pa ng BFP ang kabuuang halaga ng pinsalang iniwan ng naturang malaking sunog.