-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nangangamba ang ilang Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Singapore dahil posibleng maapektuhan ang plano nilang pagbakasyon dito sa Pilipinas sa Marso kapag lumala ang kalagayan doon kaugnay pa rin ng novel coronavirus outbreak.

Sa ulat ni Bombo International Correspondent Vicky Canuma, isang Pinoy worker sa Singapore mula Kibungan, Benguet, sinabi niyang lumalala na ang kalagayan doon kaya’t naisailalim na ang Singapore sa “Orange Alert Level.”

Aniya, kapag mas lumala pa ang sitasyon ay isasailalim ang Singapore sa Red Alert na siyang pinakamataas na lebel, kung saan wala nang mapapayagang magbiyahe.

Sinabi niyang sa ngayon ay marami sa mga Pinoy workers sa Singapore ang nananatili na lamang sa loob ng bahay ng kanilang amo para makaiwas sa virus.

Inihayag niyang malala na rin ang panic buying doon dahil maging ang mga malalaking supermarket ay nauubusan na ng suplay ng mga basic needs kahit tiniyak ng pamahaalan na sapat ang suplay ng mga pagkain doon.

Binanggit pa ni Canuma na maging ang kanyang amo mismo ay halos kalahating araw na pumila sa supermarket dahil sa dami ng mga mamimili.