Apat na mga bansa na lamang ang maghaharap-harap sa women’s volleyball tournament ng 30th Southeast Asian Games dito sa Pilipinas makaraang umatras na rin ang Singapore.
Pagbubulgar ito ni Larong Volleyball sa Pilipinas Inc. Secretary General Ariel Paredes, makaraang makarating sila nina national team program head Peter Cayco at Fr. Vic Calvo ng Letran sa Japan upang tingnan ang progress ng 12-day training camp ng women’s volleyball squad.
Bunsod nito, tanging ang Pilipinas, 11-time defending champion Thailand, Vietnam at Indonesia na lamang ang magtutuos para sa mga medalya.
Pangungunahan ni Aby Marano ang pagsisimula ng kampanya ng Pinay spikers kontra sa Vietnam sa Disyembre 3 sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Maliban kay Marano, tatampok din sa koponan sina Alyssa Valdez, Jia Morado, Majoy Baron, Kalei Mau, Mika Reyes, Mylene Paat, Rhea Dimaculangan, Maddie Madayag, Ces Molina, Dawn Macandili, at Kath Arado.
Haharapin naman ng Pinay volleybelles ang Thailand sa Disyembre 5, at Indonesia sa Disyembre 7.
Maglalaban-laban ang mga koponan sa single round robin format kung saan ang top two squads ay uusad sa gold medal match, samantalang ang third at fourth placers ay pagtatalunan ang bronze.