-- Advertisements --

Ibinunyag ng Presidential Anti-Organized Crime Commission na ang Singaporean “big boss” na si Zhang Jie ng Lucky South 99 sa Porac, Pampanga ang tumulong kay Alice Guo sa pagtatago sa Batam, Indonesia.

Kanina sa pulong balitaan sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI), naniniwala ang Department of Justice na gumamit ng “backdoor” si Alice Guo, Shiela Guo, Cassandra Ong at ilan pang kapwa nito akusado para makalabas ng Pilipinas.

Kasunod nito, nang maaresto sa Indonesia si Shiela Guo, ang kapatid ng dismissed Bamban Mayor Alice Guo, nakuha dito ang dalawang passport. Isang Philippine passport at isang Chinese passport na nakapangalan sa isang Zhang Mier.

Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, tumugma ang fingerprints ni Shiela sa nasabing Chinese national.

Kaya naman nahaharap na ngayon sa kasong deportation si Shiela dahil sa undesirability at misrepresentation.

Samantala, ayon sa Department of Justice, isasantabi muna ang pagkansela ng pasaporte ni Alice Guo para maiwasan ang ilang problemang legal.

Ayon kay DOJ Secretary Boying Remulla, kukumplikahin lang nito ang proseso dahil kapag na kansela ang passport ni Alice Guo ay mas mahihirapan sa pag-trace at pagpapauwi nito pabalik sa Pilipinas.