-- Advertisements --

DAVAO CITY – Nakatakdang makipagkita si Singaporean President Halimah Yacob sa mga kabataan sa isasagawang dialogue session na inorganisa ng Al Qalam Institute for Islamic Identities and Dialogue in Southeast Asia sa isang unibersidad kasabay ng kanyang pagbisita bukas sa lungsod.

Ayon kay Al Qalam executive director Mussolini Sinsuat Lidasan nasa 100 na mga kabataan na kinabibilangan ng mga Muslim, Christians at mga lumad ang kabilang sa nasabing aktibidad.

Ilan sa mga pag-uusapan ay may kaugnayan sa probisyon ng Document on Human Fraternity for World Peace and Living Together, Mindanao Youth Leaders in Inter-faith Dialogue, at pagpapatibay sa relasyon sa pagitan ng Singapore at Pilipinas.

Una rito, kabilang sa lumabas na schedule ay bibisitahin ng presidente ang Philippine Eagle Foundation (PEF) Center sa Malagos, kung saan ang Singapore ang naging host sa dalawang Philippine Eagles na dinala sa kanilang bansa noong Hunyo 2019 sa ilalim ng 10-year breeding loan agreement.

Si President Yacob ang ikatlong head of state na nakabisita sa lungsod.