Humingi na ng tawad ang singer-actress na si Julie Anne San Jose matapos umani ng samu’t saring batikos ang kaniyang viral performance sa loob mismo ng simbahan ng Nuestra Señora del Pilar Shrine and Parish sa bayan ng Mamburao sa lalawigan ng Occidental Mindoro noong Oktubre 6.
Sa ibinahaging IG story ng binansagang Asia’s Limitless star nitong umaga ng Huwebes, lubos at sinsero siyang humingi ng tawad. Nilinaw din niyang bagamat ang tanging intensiyon niya lamang ay magbigay ng kasiyahan at suporta sa simbahan sa pamamagitan ng benefit concert, marami marahil aniya ang na-offend sa insidente kung saan nagdulot ng distress o pagkabahala ang kaniyang performance. Magsisilbi aniya itong aral sa kaniya at tiniyak na hindi na ito mauulit pa.
Inamin din ni San Jose na hindi siya perpekto subalit mayroon aniya siyang matatag na paniniwala at ang kaniyang pananampalataya ay hindi matitinag. Sa huli, sinabi ng singer-actress na umaasa siyang maka-move forward ang lahat nang may compassion o pagkahabag.
Una naman ng inako ng talent agency ni San Jose ang buong responsibilidad sa insidente at sinabing ginawa lamang ni Julie Anne San Jose ang kaniyang duties at commitment bilang isang tunay na professional.
Sinabi din ng agency na isang debotong Katoliko ang singer-actress at walang intensiyon na lapastanganin ang Simbahan at ang mga miyembro nito.
Una rito, nagtanghal si Julie Ann noong Linggo sa tinawag na “Heavenly Harmony Concert” Harana Para Kay Maria, isang benefit concert para sa pagsasayos pa ng Simbahan kung saan inawit niya ang kantang Dancing Queen ng ABBA at nakasuot ng gown na may napakataas na slit na binatikos dahil hindi umano ito akma sa sagradong lugar ng sambahan.
Samantala, sa isang statement nitong Huwebes, nag-isyu na rin ng public apologies ang Kura Paroko ng Simbahan na si Fr. Carlito Meim Dimaano at ang Apostolic Vicariate of San Jose sa Mindoro kaugnay sa insidente.