(Update) Kaagad nakapaglagak ng piyansa si Yeng Constantino matapos ipaaresto ng Regional Trial Court ng Dapa, Surigao del Norte, dahil sa kinakaharap na cyber libel complaint.
Ayon sa abogado ni Yeng na si Joji Alonso, aprubado na rin ang bail papers kung saan nagkakahalaga ng P30,000 ang inihain ng kanyang kliyente.
Gayunman, wala pang kopya ng complaint si Yeng o Josephine Constantino-Asuncion sa tunay na buhay.
“Our client Ms Yeng Constantino-Asuncion, has posted bail and an Order approving the same has just been signed,” ani Atty. Alonso. “We shall be addressing the charges in the coming days.”
Una rito, nakasaad sa utos ng RTC-Dapa na may petsang December 12, 2019 at nai-forward na umano sa Quezon City Police chief, inaakusahan si Yeng na lumabag sa Sec 4 (c)(4) ng Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act.
Ugat ng complaint laban sa 31-year-old singer ay yaong insidente ng “doctor shaming” kung saan pinuna nito sa pamamagitan ng video blog, ang hindi raw maayos na pag-asikaso noong maaksidente ang asawang si Victor Asuncion, matapos mag-dive sa Sugba Lagoon at nagka-memory loss.
Kabilang sa mga awitin ni Yeng ay ang “Hawak Kamay,” “Cool Off,” “‘Di na Ganun,” “Chinito,” “Ikaw” at marami pa.