-- Advertisements --
IMAGE | Manila Electric Company

Sa kabila ng sunod-sunod na aberya sa kuryente noong nakaraang buwan ay tatapyasan pa raw ng Manila Electric Company (Meralco) ang rate ng kanilang singil para sa buwan ng Mayo.

Ayon sa Meralco nasa P0.27 ang kanilang nakatakdang itapyas sa singil ngayong buwan para sa kabuuang electricty rate.

Ito’y katumbas umano ng P55 na kaltas sa electric bill ng isang bahay na komo-konsumo ng 200-kilowatt hour sa isang buwan.

“The downward adjustment of P0.2728 per kWh will mean a decrease of around P55 in the total bill of a typical household consuming 200kWh.”

Paliwanag ng Meralco, dulot ito ng mababa ring singil ng Independent Power Producers at Power Supply Agreements ngayong buwan.

Sa kabila nito, hinimok ng kompanya ang mga consumer na kanilang sine-serbisyohan na magtipid pa rin sa paggamit ng kuryente.

Nauna ng inamin ng Meralco na posibleng magdulot ng increase sa presyo ng kuryente ang nakaraang kaso ng shutdown sa mga planta.

Nagdulot kasi ito ng rotational brownout sa malaking bahagi ng Luzon at posible daw na magtulak ito para magmahal ang presyuhan ng kuryente sa spot market.