Isinusulong ni Sen. Imee Marcos na maging isang sentimo na lang ang singil sa text messaging.
Sa kaniyang inihaing resolusyon, hinimok ng opisyal ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na agad ipatupad ang isang sentimong price ceiling kada text.
Bagama’t inaasahang sa pagpasok ng third telco player na magkakaroon ng murang serbisyo, karapatan pa rin aniya ng publiko na magkaroon ng mas mababang rate para sa text messages.
Ang Pilipinas kasi ay itinuturing na texting capital, kaya hindi nakapagtataka na ito ang karaniwang paraan ng komunikasyon ng mga karaniwang tao.
Dapat din anyang balansehin ang business interest ng telco providers na kailangan namang nakasunod sa global trend na mura at mabilis ang serbisyo.
Binigyang diin ng senador na malaki pa rin naman ang kikitain ng tatlong telco sa kanilang milyon milyong subscriber kahit pa maging isang sentimo lang ang singil sa short messaging system.