Mas mabilis na ang pagproseso sa mga pasahero sa lahat ng international airports sa buong Pilipinas kasabay ng pag-arangkada ng Single e-Travel QR code simula ngayong araw, Mayo 10.
Kailangan na lamang kasi ng mga pasahero na magpakita ng isang QR code para sa seamless immigration at customs clearance.
Noon kasi, magkakahiwalay ang QR codes na kailangang i-generate para sa Bureau of Immigration at Bureau of Customs.
Subalit sa bago at updated na sistema, iisa na lamang ito sa kung saan saklaw na rin dito ang lahat ng declaration requirements para sa immigration, Quarantine at Customs.
Ayon sa BOC, kailangan lamang ng mga pasahero na magpresenta ng kanilang pasaporte sa Immigration officer para sa e-Travel registration confirmation at kanilang QR codes sa Customs officer para sa clearance pagdating sa paliparan o bago umalis.