Sisimulang ipatupad ng Land Transportation Office (LTO) ang single ticketing system sa unang quarter ng susunod na taon.
Ayon kay LTO Assistant Secretary Jay Art Tugade, ang naturang sistema ay lilikha ng isang uniform definition para sa mga paglabag sa batas trapiko at paggamit ng isang common at unified penalty system sa lahat ng siyudad.
Nilinaw din ng opisyal na hindi magpapataas ng penalty o multa ang single ticketing system subalit magsisilbi itong deterrent o para mapigilan ang mga paglabag.
Saad pa ni Tugade na ilang mga lokal na pamahalaan na ang nagpapatupad ng P300 na multa para sa hindi pagsusuot ng helmets habang ang iba naman ay nagpapataw ng P1,500 monetary sanction.
Inihayag din ng LTO official na ang direktiba ng Pangulo ay para mapanumbalik ang tiwala at kumpiyansa ng publiko sa ahensiya.
Kabilang na dito ang pagsugpo ng fixers, pagtugon sa katiwalian at pagsasaayos ng kalidad ng customer service sa LTO.
Nagbabala din ang opisyal sa mga mahuhuling lalabag na mapapatawan ng administrative at criminal liability.