VIGAN CITY – Handa umanong magbigay ng PHP 250,000 reward money si dating Ilocos Sur Governor at ngayo’y Narvacan Mayor Luis “Chavit” Singson sa mga miyembro ng Philippine National Shooting Association (PNSA) na makakasungkit ng gintong medalya sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Singson, na siya ring presidente ng PNSA, na nais niyang mahikayat ang mga Pinoy shooters na makikilahok sa rifle, pistol, metallic silhouette, practical shooting at trap and skeet events ng shooting competition sa nasabing regional biennial meet na gawin ang lahat ng kanilang makakaya upang makapag-ambag ng maraming ginto para sa Team Philippines.
Maliban sa nasabing halaga na ibibigay ni Singson sa bawat Pinoy shooter na makakasungkit ng gintong medalya, nauna na itong nagbigay ng PHP 250,000 sa shooting team ng bansa na dagdag sa kanilang pondo para sa SEA Games.
Tiwala naman ang politician-businessman, na isa ring practical shooter na hindi papahuli sa mga shooters ng ibang bansa ang mga atletang Pilipino.
Kasama sa line up ng mga Pinoy shooters na sasabak sa SEA Games ang trap shooters na sina Carlos Carag at Hagen Topacio na kapuwa naka-qualify na sa 2020 Tokyo Olympics; Eric Ang, Jayson Valdez, Amparo Acuña, Denise Basila , Sean Jayfred Ocampo, Shanin Lyn Gonzales, Juliette Rose Arellano, Marcelo Gonzales at Angelo Michael Fernandez.