Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang sinibak ang dating presidente ng Government Service Insurance System (GSIS) na si Jesus Clint Aranas.
Pahayag ito ng Pangulong Duterte sa kanyang talumpati sa inagurasyon ng Chen Yi Agventures Rice Processing Complex sa Alangalang, Leyte.
Ayon sa Pangulong Duterte, tinutugunan nito ang isyu sa kurapsyon kaya tinanggal nito si Aranas.
“Sinabi ko lang kapag nanalo ako I will deal with corruption,” wika ni Duterte.
“I am dealing with it until now. I just fired the GSIS president,” dagdag nito.
Ang nasabing pahayag ay taliwas sa sinabi noon ni presidential spokesperson Salvador Panelo na hindi umano hiniling ng Pangulong Duterte kay Aranas na magbitiw ito sa puwesto.
Napaulat na rin na kinompronta ng Pangulo si Aranas sa pulong ng mga miyembro ng Gabinete noong Lunes.
Pinaratangan ni Duterte si Aranas na “sinungaling” matapos sabihin nito na hindi raw nagbabayad ng renta ang International Container Terminal Services Inc. (ICTSI) na hawak ng negosyanteng si Enrique Razon.
Una rito, sa liham ni Aranas kay Pangulong Duterte na may petsang Hulyo 2, nanindigan siyang isinulong niya ang interes ng GSIS at mga miyembro nito.
Sa kanyang trabaho, sumunod raw siya sa mga batas at hindi kailan man isinuko ang kanyang integridad.