ILOILO CITY – Mariing itinanggi ng isang sinibak na hepe ng pulisya na siya ang nasa likod ng Facebook account na nagpapakalat ng fake news laban kay Iloilo 4th District Rep. Ferjenel Biron.
Ito ay kasunod ng pagpapalabas ng subpeona ng National Bureau of Investigation (NBI) laban kay dating P/Maj. Charlie Sustento dahil sa paggawa umano ng Philpharm Facebook account kung saan nakasaad ang mga paninira laban kay Biron.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Sustento, sinabi nito na wala siyang kinalaman sa Philpharm at wala rin siyang alam kung sino ang totoong administrator ng nasabing account.
Sa katunayan ayon kay Sustento, abala siya sa paghahanap ng mapagkakakitaan matapos na masibak sa serbisyo at laking gulat niya ng malaman na mayroon siyang reklamo sa NBI dahil sa cyberlibel.
Kasabay nito, nanawagan rin ang dating hepe kay Biron na lubayan na siya dahil apektado na rin ang kani-kanilang pamilya.
Napag-alamang itinuturo ni Sustento na si Biron ang utak sa pagsibak sa kanya sa serbisyo matapos ang pagsita ng hepe sa convoy ng kongresista noong 2016 elections sa Dumangas, Iloilo.