-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nagpaliwanag ang pamunuan ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office may kaugnayan sa di umanoy naganap na mistaken identity sa nadakip na No. 3 most wanted person sa rehiyon Dos mula sa Dupax Del Norte na kanilang inaresto.

Nauna rito ay pinangunahan ang pagsisilbi ng warrant of arrest sa lalawigan ng Cavite ng Regional Intelligence Unit 2 bilang lead unit sa pakikipagtulungan ng Provincial Intelligence Team ng Nueva Vizcaya, Regional Intelligence Division, Police Regional Office 4-A, Bacoor City Police Station, Provincial Intelligence Team Cavite, Regional Intelligence Unit-4A, Dupax Del Norte Police Station at RIMET-PRO2 kay Julius Bullecer Domingo na naitalang No. 3 most wanted person sa rehiyon Dos sa kasong forcible abduction at multiple rape noong taong 2002

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Joseph Dela Cruz, Police Information Officer ng Nueva Viscaya Police Provincial Office o NVPPO, ipinaliwanag na Julius Bullecer Domingo ang sisilbihan nila ng warrant of arrest na nagtrabaho sa Lalawigan ng Cavite at nagresulta sa pagkakadakip nito kung saan ipinasakamay sa court of origin sa Dupax Del Norte.

Sinabi pa ni PLt. Col. Dela Cruz na sa korte na lang niya patunayan na hindi siya ang taong tinutukoy sa Warrant of Arrest at hindi naman masasabi na nagkaroon nga ng mistaken identity dahil nagtrabaho umano sa Cavite ang suspek ng matonton ng mga awtoridad .

Sa kasalukuyan nasa ilalim ng LGU Quarantine Facility ng Dupax Del Norte ang akusado na sumasailalim sa 14 day Quarantine Period bago maghain ng mosyon sa hukuman na kanila naman umanong tutulungan upang mapatunayan ang kanyang pagiging inosente.

Ayon kay PLt. Col. Dela Cruz, tutulungan ng kanilang tanggapan si Julius Bullecer Domingo kung tutoo ang kanyang paratang na mistaken identity ang pagkakadakip sa kanya.

Sa panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay PCaptain Rudil Bassit, Hepe ng Dupax Del Norte Police Station na inanyayahan nila sa kanilang himpilan ang biktima at kinumpirmang ang inarestong Julius Bullecer Domingo ay hindi ang taong gumahasa sa kanya

Ang pinaghihinalaang nasa warrant of arrest at kapangalan ng inaresto ay bumagasak bilang No. 3 Most Wanted Person sa Rehiyon Dos dahil sa panggagaghasa ng paulit-ulit sa nooy labing pitong taong gulang na babaeng.

Sinabi pa ni Police Captain Bassit na nais ng mga kaanak ng inaresto sa malinis ang kanilang pangalan dahil sa naaresto na wala namang kinakaharap na anumang kaso .