Susukatin muna at kukunan ng data ng Phivolcs ang mga naitalang sinkhole sa Batangas, bago ito tabunan o lagyan ng harang.
Nagsimulang makita ang mga hukay na ito mula noong unang bahagi ng Nobyembre, ngunit higit na dumami at lumalim nitong mga nakaraang araw.
Namataan ang mga butas sa mga bayan ng Lemery, Agoncillo, Tanawan, San Nicolas, Talisay at Taal.
Ayon kay Agoncillo Mayor Daniel Reyes, ilan sa nakikitang rason kaya nagkaroon ng mga sinkhole ay ang pagputok ng Taal Volcano noong Enero at pinalala pa ng magkakasunod na bahang dala ng bagyong Quinta, Rolly at Ulysses.
Ang mga lugar na hindi matatabunan ay lalagyan na lang ng harang para hindi malapitan ng tao.
Makakatuwang ng lokal na pamahalaan sa pag-secure sa mga sinkhole area ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at may gabay ng Phivolcs.