CEBU CITY – Nalilito na umano ang pamilya Silawan matapos lumutang ang isa pang suspek sa Christinee Lee Silawan killing sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Ito ang naging pahayag ng tiyahin ni Christine Lee na si Fermina Garcia matapos ipinrisenta ni Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde ang diumano’y self-confessed killer na si Renato Llenes sa Police Regional Office-7 Headquarters.
Ayon kay Fermina, isa itong malaking palaisipan kung sino ang nagsasabi ng totoo ukol sa karumal-dumal na pagpatay sa kanyang 16-anyos na pamangkin noong Marso 10 ng gabi.
Napag-alaman na iginigiit din ng National Bureau of Investigation na tuloy ang kanilang kaso kay alyas Jun na dating kasintahan ni Christine Lee dahil ito umano ang nakita sa footage na huling nakasama ng biktima.
Sinabi rin ng PNP na si Llenes umano ang kasama ng biktima base sa nakuha rin nilang footage.
Sa kabila nito, nagpapasalamat pa rin si Fermina sa paglutang ng isa pang suspek.
Dagdag pa nito na ang mahalaga sa kanila ay malutas ang kaso at mabigyan ng hustisya ang brutal na pagkamatay ng kanyang pamangkin.