Pinakawalan na umano ang limang Indian nationals na unang inakala na ipiniit nang maglibot ang mga ito sa border ng India at China.
Una rito, nawala nitong unang bahagi ng buwan ang naturang mga indibidwal, na pawang mga kabataan at residente ng estado na katabi ng China.
Sa pahayag ng Indian defense ministry, hindi raw sinasadya ng grupo, na pawang mga residente ng estado ng Arunachal Pradesh, na mapadpad sa Chinese border habang nangangaso.
Hindi naman aniya ito bago sapagkat walang marka ang border na naghahati sa dalawang bansa.
Bagama’t wala pang opisyal na pahayag mula sa China, sinabi ng isang state-run newspaper na batay sa isang security source, tinawag ang mga Indian nationals na umano’y mga intelligence personnel na nagpapanggap na mga mangangaso.
Ayon pa sa source, sinadya raw ng mga ito na tumawid sa border at “idinetine, binalaan, at tinuruan” ng Chinese military. (BBC)