Itinuro ni Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro ang Chinese government na pasimuno ng umano’y ‘Sinophobia’ sa Pilipinas.
Ang ‘Sinophobia’ ay ang pagkatakot, pag-ayaw, o pagkaramdam ng prejudice laban sa China, mga Chinese, o ang mismong kultura ng mga ito.
Ayon kay Sec. Teodoro, kung mayroon mang nangyayaring Sinophobia sa Pilipinas, kagagawan din lang ito ng umano’y ‘over reach’ o mistulang panglalamang na ginagawa ng Chinese Communist Party at ni Chinese President Xi Jinping.
Ang ginagawa ng mga ito aniya ay nararamdaman din sa buong mundo, kung saan maging ang mga Chinese citizen mismo ay nawawalan na rin ng tiwala sa kanilang kasalukuyang pamahalaan.
Giit ni Teodoro, malaking disservice ang ginagawa ng gobiyerno ng China sa kanilang mga mamamayan, dahil ang mahalaga lamang ay ang diktador na pamamamahala sa naturang bansa.
Una nang naglabas ang China ng travel advisory at binabalaan ang mga mamamayan nito laban sa pagbiyahe sa Pilipinas dahil sa posibleng harassment na mararanasan, kasunod na rin ng umano’y crackdown sa mga inaakusahang Chinese spy sa bansa.
Gayonpaman, nanindigan ang Pilipinas na hindi tinatarget ang mga Chinese citizen at tiniyak na lahat ay welcome na bumiyahe at magtungo sa Pilipinas, maliban lamang sa mga kriminal.