Napatunayan umano sa isinagawang pag-aaral sa Uruguay na epektibo ang mga bakuna kontra COVID-19 na gawa ng Sinovac at Pfizer/BioNtech para mapigilan ang intensive care admissions at pagkasawi dahil sa coronavirus.
Ipinapakita sa real-world data na inilabas ng pamahalaan ng Uruguay na 95% na epektibo ang Sinovac vaccine shot para mapababa ang pagkasawi sa sakit habang 92% naman na epektibo para maiwasan ang admission sa ICU at 61% ang efficacy nito para mapigilan ang COVID infections.
Ikinumpara ang halos 800,000 na mga indibidwal kabilang ang mga health workers ng kabuuang populasyon ng naturang bansa na nasa edad 18 at 69-anyos na naturukan ng second dose ng Sinovac matapos ang 14 na araw sa mga hindi pa nabakunahan na mga mamamayan para makita ang effectiveness ng bakuna.
Sa isinagawa namang pag-aaral sa effectiveness ng Pfizer vaccine sa mahigit 160,000 health workers at indibidwal na edad 80 pataas, lumalabas na 94% itong epektibo para maiwasan ang ICU admissions at pagkasawi sa sakit habang 78% namang epektibo para maiwasan ang infection ng virus.
Sa kabuuan, bumaba ng mahigit 90 porsyento ang ICU hospitalization at pagkamatay mula sa deadly virus sa mga Uruguayans na fully vaccinated.