-- Advertisements --

Nagpahiwatig umano ang Chinese drug firm na Sinovac Biotech ng kanilang plano na pagbibigay ng kalahating milyong doses na gagamitin para sa pagbabakuna ng ikatlong dose o booster shots para sa mga health workers sa Pilipinas.

Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr. inirerekomenda ng vaccine firm ang pagbibigay ng donasyon na 500,000 doses ng Sinovac.

Para kay Galvez, wala naman aniyang nakikitang problema sa pagbabakuna ng booster shots sa bansa lalo na sa mga health workers at mayroong comorbidities na naturukan na ng Sinovac COVID-19 vaccine dahil nakapagbibigay ito ng kumpletong proteksyon laban sa deadly virus at sa iba pang variants.

Ibinahagi ni Galvez na humiling ang pamahalaan sa WHO na muling ikonsidera ang mga panuntunan sa paggamit ng booster shots at payagan ang pagbabakuna nito sa mga health workers.

Sa ngayon, naninindigan ang WHO na hindi pa kailangan ang booster shots dahil maraming mga vulnerable na mamamayana ang kailangang unahin na makumpletong mabakunahan habang ikinokonsidera naman ng DOH ang pagbibigay ng booster shots sa 2022 habang inaantay pa ang rekomendasyon mula sa vaccine expert panel ng bansa.