MANILA – Dinepensahan muli ng Malacañang ang interes ng pamahalaan sa supply ng COVID-19 vaccine ng Chinese pharmaceutical company na Sinovac Biotech.
“Dalawa ang criteria natin: dapat ligtas, dapat epektibo… provided that it is safe and effective, bibilhin natin,” ani Presidential spokesperson Harry Roque.
“Kaya naman natin binibili ang Sinovac, kasi walang tayong makuha agad na Pfizer, AstraZeneca, o Moderna.”
Ganito rin ang sinabi ng Food and Drug Administration (FDA), na responsable sa pagsusuri ng mga bakunang magagawaran ng emergency use authorization (EUA) at magki-clinical trial.
“Kung walang enough safety and efficacy data, hindi mabibigyan ng EUA. ‘Yun ang utos sa akin ng pangulo, nakalagay sa executive order that information at hand it should be reasonable to believe that it is safe and effective.”
Paliwanag ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang Sinovac lang ang nakapagbigay ng pangakong supply sa unang quarter ng 2021.
Hindi katulad ng mga bakuna mula Estados Unidos, na posibleng sa ikalawa o ikatlong quarter pa ng susunod ng taon makapaghahatid ng vaccine supply.
“Gustuhin man natin ang Pfizer, wala tayong makuha sa first quarter. Ang tina-target nilang delivery, na hindi pa natin alam kung ilan, ay second at third quarter. At maraming hindi na makakapaghintay.”
“Hindi naman katanggap-tanggap kay presidente na mag-aantay ng ganon katagal.”
Ayon kay Roque, may pinanghahawakan na pangako ang gobyerno mula sa China at iba pang bansa pagdating sa usapin ng bakuna.
“Dahil nagkaroon ng kasunduan si Pres. Xi (Jinping) na ish-share ng China ang bakuna na magagawa. Ganyan din ang ating kasunduan sa Russia, India.”
Nakasaad sa FDA Circular No. 2020-036, na pag-aaralan ng Center for Drug Regulation and Research (CDRR), at expert panel ang mga dokumento ng EUA applicant.
“Yung tungkol sa kalidad, yan ay ipapadala sa CDRR. Nandoon ang regulatory officers na magsisiguro may quality ang vaccines; yung safety and efficacy data naman, ipapadala sa expert panel… as of now mayroon tayong apat na expert.”
Kamakailan nang lumabas ang ulat na sangkot noon sa bribery case ang chief executive officer ng Sinovac dahil sa issue ng bakuna.
PROCUREMENT PROCESS
Sa ilalim ng Government Procurement Reform Act, hindi pwedeng mag-advance payment ang pamahalaan sa mga produkto o serbisyong bibilhin para sa bansa.
Pero noong nakaraang buwan, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyong “advance market commitment” para sa COVID-19 vaccines.
Ayon sa Department of Budget and Management, 16-araw lang ang proseso ng procurement o pagbili ng estado sa COVID-19 vaccines, batay sa probisyon ng Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2).
“The procurement in Bayanihan 2 is longer than Bayanihan 1 because competitive bidding is applied to reduce the adverse impact of COVID to the economy,” ani DBM-Procurement Services director Christine Suntay.
Pero paliwanag ni Usec. Lloyd Christopher Lao, baka ikonsidera nilang tanggalin ang bidding process kung magiging limitado ang vaccine supply.
“There is so much demand that supply is lacking… other countries are now negotiating with vaccine suppliers kahit Phase 2 pa lang ang clinical trial. Our current law is not responsive in the trend of other countries.”
“The EUA is the primary focus of the suppliers dapat makakuha sila bago mabili ng government. The EUA may be eliminated if there are only limited vaccines available.”
Sa inilabas na data ng tanggapan ni Sen. Sonny Angara, pinaka-mahal ang presyo ng COVID-19 vaccine na gawa ng Moderna, na nasa pagitan ng P3,904 hanggang P4,504 kada dalawang dose.
Sumunod ang Sinovac na nagkakahaalga ng P3,629.50; Pfizer (P2,379); Gamaleya (P1,220); COVAX Facility (P854); AstraZeneca (P610); at Novavax (P366).