Inamin ng Food and Drug Administration (FDA) na nagpasa na sa kanila ng aplikasyon ang Chinese phaermaceutical company na Sinovac Biotech para makapagsagawa na ng clinical trial ng COVID-19 vaccines dito sa Pilipinas.
Pero paglilinaw ni FDA director general Eric Domingo, kailangan pa ring maaprubahan sa ikalawang antas ng proseso ang aplikasyon, kung saan dapat makakuha ang kompanya ng approval mula Single Joint Ethics Research Board.
Matapos nito ay tsaka pa lang daw pag-aaralan ng ahensya ang mga datos ng Sinovac at bakuna nito, bago malaman kung pumasa ito o hindi.
“Nakapasa sa screening ng vaccine expert panel ang Sinovac at nag-apply today sa FDA. It will undergo regulatory evaluation while undergoing review of the Ethics Board,” ani Domingo sa Laging Handa public briefing.
Nauna nang inaprubahan ng Vaccine Expert Panel ang aplikasyon ng Chinese company, na siyang unang level ng proseso para makapagsagawa ng trials sa bansa.
Ayon kay Domingo, kabilang sa mga requirements na kanilang hihingin sa Sinovac para sa evaluation ay ang mga dokumento at certificates ng kanilang bakuna para sa regulatory at technical review.
“We will make sure of the protection and safety of participants in the clinical trial,” ayon sa opisyal.
Sa isang report, sinabing nakitaan ng mabuting epekto sa COVID-19 patients ang CoronaVac vaccine ng Sinovac nang gamitin sa clinical trials ng Brazil.
Pero paliwanag ng Department of Health, walang bearing ang mga ebidensya ng trials sa ibang bansa, sa proseso ng aplikasyon ng isang bakuna para magkaroon ng eksperimento sa Pilipinas.
“No matter what phase of the clinical trial sa ibang bansa for a specific vaccine, pumapasok lahat ng ebidensyang yan, hinihingi ng vaccine expert panel and this adds to the evidences they review and evaluate so that we will know if appropriate itong bakuna na isagawa dito sa ating bansa,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
“(Kung) sinasabi nila na maganda ang resulta, susubukan pa rin natin dito sa atin. When we do it here (clinical trial), we will still have our own evaluation.”