-- Advertisements --

Posible umanong COVID-19 vaccine ng Sinovac ng China ang maunang makarating dito sa Pilipinas sa unang quarter ng susunod na taon.

Sinabi ni National Task Force against COVID-19 chief implementer at vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr, nakakuha na ng Sinovac supply ang Brazil at Indonesia at inaasahang kasunod na rin tayong makakukuha nito.

Kasabay nito, pinawi rin ni Sec. Galvez ang mga agam-agam sa Sinovac na gawang China dahil ligtas umano ito batay sa evaluation ng vaccine expert panel ng Department of Science and Technology (DOST).

Ayon kay Sec. Galvez, pangalawa umano sa mataas ang posibilidad na makarating sa bansa ay ang bakuna ng Gamaleya Research Institute ng Russia.

Nakikita naman ni Sec. Galvez na posibleng sa ikatlong quarter na ng susunod na taon makakuha ang Pilipinas ng bakunang gawa ng Pfizer ng Amerika.

Naipareserba na kasi umano ng ibang mayayamang bansa ang production line ng Pfizer para sa una hanggang ikalawang quarter ng 2021.

Inihayag ni Sec. Galvez na bagama’t maagang nakapagplano ang ating pamahalaan para sa pagbili ng bakuna laban sa COVID-19, 80 porsyento ng pandaigdigang supply ng COVID-19 vaccine ay nakuha na ng mayayamang bansa dahil sila ang nagpondo para sa paggawa nito kaya natural lamang na sila ang mauunang masuplayan nito.