Siniguro ng Chinese biopharmaceutical company na Sinovac ang delivery ng suplay ng bakuna sa Pilipinas sa third quarter ng taon .
Sa isang online forum, sinabi ni IP Biotech Inc. chief operating officer Carlo Roach Garrucho na base sa huling pag-uusap ng IP Biotech sa Sinovac, kinumpirma aniya ng vaccine firm na mayroong alokasyon at stocks na available na nakalaan para sa IP Biotech at para sa bansa.
Ang naturang pahayag ni Garrucho ay kasunod ng anunsiyo ni vaccine czar Carlito Galvez Jr na paglagda ng pamahalaan para sa pagbili ng karagdagang 10 million doses ng CoronaVac vaccine para sa steady supply ng bakuna.
Sinabi ni Galvez na nagpasiya ang pamahalaan na bumili ng karagdagang doses ng naturang bakuna matapos na magamit na ang nasa 26 million doses mula sa Sinovac.
Ayon kay Galvez, ang kagandahan aniya dito sa karagdagang shots ng Sinovac ay mas mura ito kumpara sa orihinal na presyo.
Base sa pinakahuling data ng pamahalaan as of August 24, nasa kabuuang 48, 522, 890 vaccine doses ang natanggap ng bansa kung saan nasa 13.2 million Pilipino ang fully vaccinated na kontra COVID-19.