MANILA – Nilinaw ng Food and Drug Administration (FDA) na pwede pa ring iturok sa healthcare workers ang coronavirus vaccine ng Sinovac.
Pahayag ito ng ahensya matapos ulanin ng batikos ang paglilimita sa medical frontliners na maturukan ng Chinese vaccine, kahit sila ang una sa priority list ng gobyerno.
“Hindi natin sinasabing bawal (ang Sinovac). Ang recommendation natin is that maybe tingnan ng pamahalaan kung ibibigay ito sa healthcare workers, lalo na yung mga nagte-treat ng COVID-19, knowing the efficacy rate is lower in this group,” ani FDA director general Eric Domingo.
Ayon sa opisyal, kulang pa ng ebidensya para masabing epektibo na rin sa hanay ng medical frontliners na exposed sa confirmed cases ang bakuna ng Sinovac.
Kung pahahambingin kasi ang resulta ng Phase III clinical trials ng iba’t-ibang bansa, mas mataas ang efficacy rate na naitala sa pag-aaral na ginawa sa komunidad.
Batay sa ipinakitang datos ng FDA, nasa 60 hanggang 90% ang efficacy rate ng Sinovac vaccine sa Indonesia at Turkey.
Habang 50.4% sa Brazil, kung saan ginamit lang ang bakuna sa exposed healthcare workers.
“Ang mga clinical trial kasi usually ginagawa in stages. So uumpisahan talaga sa 18 to 59 years old, kaya ngayon wala pang bakuna sa bata. Itong Sinovac, ang natapos na ipinadala sa ating results ay yung sa 18 to 59 (years old).”
“Ginagawa pa lang nila (Sinovac) yung sa 60 and above. At this time since ito yung data na mayroon tayo at epektibo sa ganitong age range, sa kanila muna natin binigyan ng approval.”
Paliwanag ni Domingo, marahil ang madalas na exposure sa COVID-19 patients ang dahilan kung bakit mababa ang lumabas na efficacy rate ng Chinese vaccine sa ginawang clinical trial ng Brazil.
Una nang sinabi ng mga eksperto na wala pang ebidensya na makapagsasabing hindi na mahahawaan ng coronavirus ang mga mababakunahan.
Sa ngayon, ang bisa pa lang daw ng mga bakuna ay para agapan ang paglala ng impeksyon sa COVID-19.
Hindi pa kasali sa emergency use listing (EUL) ng World Health Organization ang Sinovac vaccine.
Pero ayon sa Department of Health, maaaring mag-adopt ang bansa sa lalamanin ng EUL sakaling igawad ito ng WHO sa bakuna ng China.
“Sa kasalukuyan yung EUA (emergency use authorization) natin (from FDA), this is legal and official.”
Ikatlong nabigyan ng EUA sa Pilipinas ang bakuna ng Sinovac, matapos unang gawaran ang Pfizer-BioNTech at AstraZeneca.