Kinuwestyon ni umano Julita Laude ang sulat na kanilang natanggap mula sa pinalayang US serviceman na si Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Virgiña Suarez, abogada ng pamilya Laude, sinabi nito na wala raw silang naramdaman na sinseridad sa umano’y liham na ginawa ni Pemberton.
Mapapansin aniya na third person point of view ang ginamit ni Pemberton sa sulat kung kaya’t malakas ang paniniwala ng pamilya Laude na ibang tao ang nagsulat nito.
Posible raw kasi na si Atty. Rowena Garcia-Flores ang gumawa ng sulat at hindi mismo ang nasabing serviceman.
Kwento pa ni Suarez, naalala umano nito ang sinabi noon ni Flores na susubukan niyang kausapin at kumbinsihin si Pemberton na magpadala ng sulat upang humingi ng tawad sa pamilya ng transgender na si Jennifer Laude.