DAVAO CITY – Isa sa tinitingnan ngayon ng Davao City Fire District na ang simpleng pagsusunog ng electrical wire ang dahilan ng nangyaring sunog na tumupok sa 1,200 na mga kabahayan sa barangay 21-C at 22-C, sa Piapi Boulevard, Davao City noong Sabado ng hapon, Pebrero 25.
Ayon kay Senior Fire Officer IV Ramil Gillado, naging basehan sa resulta ng inisyal na imbestigasyon ang salaysay ng mga witness.
Aniya, isang grupo ng mga mga menor de edad ang diumanoy namataang nagsusunog ng mga kable ng kuryente sa isang bahay sa lugar upang kunin ang tanso (bronze) nito upang ibenta.
Ngunit kasalukuyan pa rin itong bineberika ng Fire Department ng lungsod.
Dagdag pa ng opisyal, umabot hanggang Task Force Alpha ang naging sunog na naghudyat ng pagpapatawag ng lahat ng fire stations maging ibang medical at rescue teams sa buong lungsod na sama-samang rumesponde sa nangyaring sunog.
Isa sa malikng hamon ng mga bumbero doon ay ang makipot na daan patungo sa pinangyarihan.
Ngunit tuluyan namang naapula ang apoy bandang alas-5:21 ng hapon.
Una nang kinumpirma ng BFP Davao na umabot sa mahigit kumulang P9 million ang naitalang danyos ng nangyaring sunog.