-- Advertisements --

(Update) KALIBO, Aklan – Tuluyan nang nasibak sa puwesto bilang alkalde ng Malay, Aklan si Ceciron Cawaling, ilang oras makaraang makabalik mula sa anim na buwang suspension.

Ito ay dahil sa ibinaba ng Office of the Ombudsman ang hatol sa kanya na “guilty” sa kasong grave misconduct, gross neglect of duty, conduct unbecoming of a public official, at conduct prejudicial to the best interest of the service.

Ang naturang kautusan ay isinilbi ni Atty. Cedric Jaranilla ng Department of Interior and Local Government (DILG) Regional Office-6 sa munisipyo ng Malay.

Kasamang nahatulan at “dismissed” sa serbisyo ay si Malay Licensing Officer Jen Salsona.

Samantala, abswelto naman sina Aklan Governor Florencio Miraflores; dating Provincial Environment and Natural Resources Officer (PENRO) na si Valentin Talabero; Malay Vice-Mayor Abram Sualog, mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Malay at mga Punong Barangay sa isla ng Boracay dahil umano sa hindi sapat ang ebidensya na inilatag sa husgado.

Batay sa DILG order, si Cawaling at Salsona ay hindi na maaaring manilbihan sa gobyerno at hindi na makakatanggap ng anumang benepisyo.

Nabatid na epektibo noong Oktubre 25, 2018 ay pinatawan ng Office of the Ombudsman ng preventive suspension si Mayor Cawaling.

Nag-ugat ito sa mga reklamong isinampa laban sa kanya kaugnay sa umano’y pagpapabaya na naging sanhi ng environmental problems sa Boracay na sakop ng bayan ng Malay.

Hunyo ng nakaraang taon nang magsampa ang DILG ng mga reklamong kriminal at administratibo laban sa 17 opisyal ng lalawigan ng Aklan.