-- Advertisements --

ROXAS CITY – Nilinaw ng Commission on Elections (COMELEC) na “minimal”o maliit lamang umano ang magiging epekto ng pag-suspinde sa voter’s registration.

Ito ang inihayag mismo ng tagapagsalita ng komisyon na si James Jimenez nang makapanayam ng Bombo Radyo.

Ayon kay Jimenez, hindi naman magiging malaki ang epekto nito sa magiging turnout ng voter’s registration dahil madalang din naman ang pumupunta sa mga local COMELEC offices upang magparehistro.

Aniya, hindi na bago sa kanila ang madalang na nagpaparehistro dahil nakaugalian na ng mga Pinoy ang “last minute” registration.

Hindi rin nababahala ang komisyon sa posibilidad na palawigin pa ang suspensyon matapos ang gagawing re-evaluation sa Marso 31 dahil hanggang Setyembre 2021 pa naman ang voter’s registration.

Nabatid na inanunsiyo ng komisyon ang pagpapaliban ng voter’s registration mula Marso 10 hanggang 31 dahil sa Coronavirus Disease 2019 outbreak sa bansa.